Saturday, September 26, 2015

Tatlong Bituin. Isang Araw.

Matagal-tagal na akong hindi nagsusulat... o nagtitipa sa kompyuter para mag-blog. Marami na rin kasing ginagawa. Tumatanda, dumarami ang responsibilidad, dumarami ang kaganapan sa buhay. Tila luho ang panahon para makapagsulat pa sa ipu-ipo ng mga gawaing nakatakda.

Nang una akong mag-blog, ito ay sa kadahilanang hindi ko gaano magamit ang Ingles sa aking hanapbuhay. IT ang una kong industriya. Ang katiting na Ingles na winiwika ko noon ay para sa mga kakarampot na email para sabihing tapos na ang project o para umoo sa isang pulong. Hindi naglaon at nalipat ako sa isang kumpanyang multinational at humaba na rin ang mga talatang Ingles na kailangang itugon sa email at nawalan na rin ng oras para hanapin ang panulat.

Sa kasalukuyan, madalas ko na ring nagagamit ang Ingles dahil kaunti lamang ang makakaintindi kung sabihin kong kasangguning pinansiyal ako (financial consultant). Lalo pa’t mas may dating ang matatas sa Ingles kaysa sa Filipino.

Nakasanayan na nating pagtawanan ang kapwa Pilipinong hindi marunong mag-Ingles. Na para bang angat tayo kung mas magaling tayo sa wikang Ingles kaysa sa iba. Mas napaisip ako nang napanood ko ang Heneral Luna. Sabi nga niya sa banyagang kausap, bakit ko kailangang mag-Ingles sa sarili kong bayan?


Naalala ko tuloy ang mga Hapon... na hindi nag-aatubiling gamitin at paghusayan ang paggamit ng Nihonggo. Hindi kababaan sa kanila ang hindi pag-aaral ng wikang Ingles sapagkat ipinagmamalaki at minamahal nila ang kanilang Inang Bayan. Marahil isang rason kung bakit sila maunlad. Ngunit ibang paksa na iyan at baka ako’y mapalayo pa.

Kaya nang naisipan kong gawan ng pagsusuri ang pelikulang Heneral Luna, syempre dapat sa wikang Filipino. Ngunit wala akong blog na sadyang Filipino lamang ang gamit na salita. Kaya heto na. Hiniram ko sa aking kaibigan ang pamagat – Tatlong Bituin, Isang Araw.


Magsilbi sana itong paalala sa atin na maging Filipino hindi lamang sa kinalakhan at tinitirhan, kundi sa puso, isip at gawa.